Government

Bakit kailangan natin na ipagpatuloy ang diwa ng EDSA sa panahon ni Duterte ngayon

Bakit kailangan natin na ipagpatuloy ang diwa ng EDSA sa panahon ni Duterte ngayon

Tapos na ang pormal na pagdiriwang ng 32nd EDSA People Power revolution.

Di man nagpakita si former Pres. Benigno Aquino III at Pres. Rodrigo Duterte sa programa, ang mahalaga ay naiintindihan natin na ang EDSA ay para sa mga ordinaryong mamamayan na nangarap na patalsikin ang diktaduryang Marcos noong 1986.

Ang EDSA ay hindi para sa mga Aquinos at Dutertes maski naging pabor ito sa kanilang political na buhay. (Remember, dahil sa EDSA naging presidente ang mga Aquinos and at naging mga politikos ang mga Dutertes ngayon. Sila ay may utang sa sambayanang Pilipino.)

Ang EDSA ay simbolo ng pagkakaisa at ng ating kolektibong parangap para sa isang masaganang buhay which we can turn into a legacy for our children.

Kaya ngayon, sa gitna ng banta ng panibagong diktadurya ni Duterte, kailangan natin na magbaliktanaw sa diwa ng EDSA:

Mensahe ng Pakikiisa
Vice President Leni Robredo
#StopChacha EDSA Anniversary Rally
Pebrero 24, 2018

Sa araw na ito, tatlumpu’t dalawang taon na ang nakalilipas, nagkaisa ang sambayanang Pilipino sa pagpapatalsik ng isang diktador, para muling ibalik ang kalayaan at demokrasya sa ating bansa.

Sukdulan ito ng isang mahabang pakikipaglaban para sa karapatan ng mga mamamayan laban sa isang malupit at abusadong pamahalaan. Ang ating tagumpay na nakamit sa EDSA ay hindi natin sana naabot kundi dahil sa mga naunang pagkilos – mga welga sa pabrika, martsa sa lansangan, at protesta sa unibersidad, na pinanatiling buhay ang ating adhikaing maging malaya sa gitna ng pinakamadilim na panahon ng diktaturya.

Bunga din ito ng tapang, pagod, at sakripisyo ng libu-libong mga Pilipino mula sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan — mga estudyante at propesyonal, manggagawa at magsasaka, seminarista at sundalo, mayaman at maralita, babae, lalake, at LGBT, kabataan at nakakatanda, laking Maynila at tubong probinsiya. Sa kabila ng pagkakaiba, tayo ay nagkaisa para ipaglaban ang kalayaan.

Ngunit ang ating laban ay hindi lamang tungkol sa pagpaalis ng isang mapang-abusong pangulo at ang kanyang gobyerno. Malaking bahagi din nito ang ating kolektibong pangarap na magkaroon ng isang lipunan kung saan ang yaman at kapangyarihan ng ating bansa ay para sa ikabubuti ng lahat. Isang bayan kung saan ang bawat Pilipino ay may pagkakataong mamuhay nang makabuluhan at matiwasay, anuman ang kanyang kasarian, estado sa buhay, o opinyong pulitikal.

Sa yugtong ito ng ating kasaysayan, nanatiling buhay ang pangarap na ito.

Totoo, ang pangako at pangarap ng EDSA ay hindi pa rin nabibigyan nang buong katuparan hanggang sa kasalukuyan. At may mga pagkakataong hindi natin maiwasang panghinaan ng loob at isiping hindi na ito matutupad, lalo’t sa mga panahong nailalagay sa panganib ang mga batayang karapatan naipanalo sa pawis at dugo ng mamamayang Pilipino .

Pero nakita na natin ang tagumpay na maari nating makamit sa nagkakaisang pagkilos. Na kahit ang isang diktador – sa kabila ng kanyang kapangyarihan, kayamanan, at karahasan – ay kinaya nating paatrasin. Kaya buo ang loob ko: habang buhay sa ating mga puso ang diwa ng pinaglaban – ang pagkakaisa, katarungan, at pagsasaalang-alang sa kabutihan para sa nakararami – kaya nating makamit ang ating mga pangarap.

Naniniwala ako na kung patuloy tayong magpupursige, mananalig, at hindi mawawalan ng pag-asa –maisasakatuparan natin ang hangaring mamuhay nang may dangal ang bawat Pilipino.

Ang tanong: Paano natin maipagpapatuloy at maisasakatuparan ang diwa ng EDSA sa ating henerasyon?

Previous ArticleNext Article